Oo, mukhang isa na namang milagro sa pagbubuntis, pero totoo - ang katawan mo ang gumagawa ng pinakamainam na pagkain ng baby: Gatas ng ina.
Para sa mga nagsisimula pa lang, matuto hangga't kaya mo bago pa man dumating si baby (mainam ito para maging handa sa pagpapasuso)—at sundin ang gabay na ito! Malalaman mo ang tungkol sa mga karaniwang hamong nauugnay rito at mararamdaman mo ang kahandaang simulan ang kahanga-hangang bonding experience na ito sa pagitan ninyo ng iyong baby.
Una sa lahat
Ang pagpapasuso sa loob ng unang anim na buwan, at ang pagpapatuloy nito hanggang dalawang taon o higit pa kasabay ng pagpapakain ay mahalaga para sa nutrisyon, resistensya, paglaki, at pag-develop ng iyong baby. Makikinabang ka rin dito dahil ito ang mga una mong pinakamalalapit na koneksyon sa iyong baby.
Bago manganak: Magplano para sa pagpapasuso
Huwag hintaying manganak, magplano na bago pa siya ipanganak sa pamamagitan ng pagbabasa, pangangalap ng mga opinyon, at pagtatanong tungkol sa pagpapasuso. Narito ang ilang madadaling bagay na puwede mong gawin para matiyak ang matagumpay mong pagpapasuso:
- Suriin ang iyong mga utong: Kumonsulta sa iyong doktor, komadrona, o lactation consultant kung flat o lubog (inverted) ang iyong mga utong.
- Ihanda ang mga sarili mong pagkain: Punuin ang iyong freezer at ref ng mga pagkain at snack na nakahanda na.
- Tumanggap ng suporta: Magtiwala sa iyong kabiyak, kapamilya, at mga kaibigan (pagluluto, mga gawing bahay, at iba pa).
Masyado bang maaga? Walang ganoon
Ano ang pinakamainam na panahon para simulan ang pagpapasuso? Sa lalong madaling panahon, o sa loob ng 30 hanggang 60 minuto pagkatapos ipanganak ang iyong baby.
Wala ring masyadong maagang panahon para sa balat sa balat o skin-to-skin na contact. Nakakatulong itong padaliin ang pagpapasuso at pinapagaan nito ang unang pagpapasuso—na ayon sa mga pag-aaral ay nakakaambag sa pagiging matagumpay mo sa mga susunod na pagpapasuso.
Magpasuso kapag kailangan
Anuman ang narinig mo, tandaan mo ito: Pasusuhin ang iyong baby kapag sa tingin mo ay gutom siya. Totoo. Kapag mas madalas siyang sumuso, mas marami kang mapo-produce na gatas.
Asahang magpasuso kada 2-3 oras (oo, hanggang gabi rin)—ibig sabihin, 8-12 beses sa loob ng 24 na oras. Panatilihing malapit sa iyo ang baby sa ligtas na paraan habang natutulog ka para matiyak mong makakasuso ang iyong baby sa tuwing gusto niya.
Bumuo ng routine
Mag-relax at gawing kumportable ang iyong sarili at ang baby mo sa isang routine sa pagpapasuso na binubuo ng mga sumusunod:
- Paborito mong armchair o tumba-tumba.
- Nursing pillow (Suporta para sa iyong baby sa kandungan mo).
- Nursing stool (Ang pagtataas ng iyong mga paa ay makakaginhawa sa pananakit ng likod).
- Isang malaking baso ng tubig at masustansyang meryenda.
Huwag magmadali
Gugustuhin mong maramdamang SuperMom ka agad-agad, pero pagdating sa pagpapasuso, hindi mo kailangang i-pressure ang iyong sarili at ang baby mo. Huwag magmadali, manatiling kalmado (makakatulong itong pakalmahin ang baby), alisin ang mga abala, at huwag mag-atubiling humingi ng suporta sa pagpapasuso mula sa iyong doktor, lactation consultant, ospital, o nars sa pampublikong kalusugan, atbp.
Ang checklist mo sa pagpapasuso: Mag-latch. Bumitaw. Umulit.
- Ilapit ang iyong baby sa dibdib mo: Sa halip na dibdib mo sa iyong baby.
- Hawakan siya palapit sa katawan mo: Balat sa balat, tiyan sa tiyan, mukha sa dibdib, bibig sa utong.
- Suportahan ang kanyang leeg at mga balikat: Huwag itulak ang likod ng ulo ng iyong baby—puwede niyang itulak ang iyong dibdib para ilayo ang sarili.
- Tiyaking tuwid ang kanyang katawan: Magkakapantay dapat ang tainga, balikat, at balakang (Mas mahirap lumunok kapag nakapilipit ang leeg).
- Suportahan ang iyong dibdib: Hawakan ang ilalim ng iyong dibdib gamit ang iyong mga daliri, malayo sa areola (ang maitim na bahagi), at nasa itaas na bahagi dapat ang hinlalaki.
- Magsimula sa magandang latch: I-stimulate ang kanyang mga labi at reflex sa pag-latch sa pamamagitan ng dahan-dahang pagdampi ng iyong utong sa kanyang mga labi hanggang sa bumukas ang kanyang bibig na para bang humihikab.
- Sapuin ang likod ng iyong baby sa gitna ng kanyang mga balikat: Habang nakabukas nang husto ang kanyang bibig, tiyaking unang dadampi sa dibdib mo ang kanyang baba at ibabang panga.
- Kumpirmahin ang pagkakaposisyon ng iyong utong: Ito ang huling hakbang para sa maayos na latch, nakasubo dapat ito nang husto sa bibig ng iyong baby hangga't maaari, at nakatapat sa kanyang ngala-ngala.
- Bumitaw, baguhin ang posisyon, at mag-latch ulit kung sa tingin mo ay kailangan: Kapag kailangan (dahil kung may masakit, hindi ito normal), awatin sa pagsuso ang iyong baby sa pamamagitan ng pagsisingit ng daliri sa gilid ng kanyang bibig (sa pagitan ng kanyang itaas at ibabang gilagid) hanggang sa siya ay bumitaw.
- Ulitin at alagaan ang sarili: Nagpapasuso ka nang MARAMING BESES, kaya huwag mag-atubiling magpahid ng kaunting lumabas na gatas o nipple cream sa pagitan ng mga pagpapasuso (sa simula pa lang), kahit na hindi ka nakakaranas ng pananakit o pagbibitak (cracking).
Mga palatandaan ng tagumpay
Kapag naramdaman ng baby ang iyong utong gamit ang kanyang dila, sasara ang itaas na labi, at tatakpan nito ang utong pati na ang bahagi ng areola kung posible. Nakadampi dapat palabas ang parehong mga labi. Dapat kang makakita ng pagsipsip sa jawline (puwede siyang magsimula nang mabilis, at habang patuloy kang nagpapasuso, magiging mas mabagal at malalim ang pagsipsip niya).
Kapag naka-latch na ang baby at lumabas na ang gatas, makakakita ka ng kapansin-pansing paggalaw ng panga at makakarinig ka ng mahihinang tunog ng paglunok mula sa iyong baby.
Kapag nakasuso na nang sapat na gatas ang baby, mararamdaman mong mas malambot at hindi na ganoong kabigat ang iyong dibdib kumpara noong bago ka magpasuso.
Posisyon, posisyon, posisyon
Ang susi para sa epektibong pagpapasuso? Tama ka, magandang posisyon. Sumubok ng iba't ibang posisyon sa ibaba, at piliin ang isa (o higit pa) na kumportable sa iyo at sa baby mo.
Cross-cradle hold
-
PAANO? Gamit ang kabila mong braso para hawakan ang iyong baby, suportahan ang kanyang ulo gamit ang nakabukas mong kamay. Halimbawa, susuportahan ng kaliwa mong kamay ang kaliwa mong dibdib sa pamamagitan ng paghawak dito na parang letrang “U”. Marahang ilagay ang kabila mong hinlalaki at hintuturo sa likod ng bawat tainga ng iyong baby para masapo ng iyong palad at iba pang daliri ang nakahiga niyang leeg. Ilapit ang kanyang mukha sa harap ng iyong dibdib at idampi ang bibig o pisngi ng iyong baby sa iyong utong (isang magandang paraan para simulan ang pagpapasuso sa anumang posisyon—puwede pa nga niyang hanapin mismo ang utong at simulan ang pagsipsip). Kapag bumuka na ang kanyang bibig, sapuin lang ang kanyang likod sa pagitan ng kanyang mga paypay gamit ang palad mo.
-
Bakit? Madali lang para sa iyo na ilapit ang iyong baby sa iyong dibdib at lumipat sa isang kumportableng posisyon habang naka-latch siya para sumipsip, lalo na at maagang lumalakas ang kanyang leeg.
Cradle hold
- Paano? Kamukhang-kamukha ito ng cross-cradle hold. Umupo nang tuwid. Ipatagilid ang iyong baby sa iyong kandungan habang nakaharap sa iyo. Suportahan ang kanyang ulo gamit ang loob ng iyong siko at suportahan ang kanyang likod at puwit gamit ang iyong bisig.
- Bakit? Wala naman talagang espesyal na dahilan, maliban na lang sa isa ito sa mga pinakakaraniwang posisyon kapag nagpapasuso.
Football hold
- Paano? Isiksik ang iyong baby sa ilalim ng iyong braso (gaya ng paghawak ng football player sa bola), hawakan ang kanyang ulo at leeg gamit ang iyong kamay, hayaang umunat ang kanyang mga paa hanggang sa likod mo. Suportahan ang iyong braso gamit ang isang unan sa tagiliran mo.
- Bakit? Kung na-caesarean ka o kung malalaki ang dibdib mo, mas kumportable sa iyo ang posisyong ito. Nakakatulong din ito kapag hindi maisubo nang husto ng iyong baby ang iyong utong at areola sa kanyang bibig kapag nasa iba kayong posisyon. May kambal ka ba? Isa itong paraan kung paano ka makakapagpasuso ng dalawang baby nang sabay.
Side-laying
- Paano? Humiga sa tagiliran mo kasama ng iyong baby habang nakaharap siya sa iyo. Gamitin ang nahihigaan mong kamay para maiposisyon ang ulo ng iyong baby sa mas mababa mong dibdib habang inilalapit mo siya sa iyo gamit ang kabila mong kamay. Kapag nakakapit na ang baby sa iyong dibdib, gamitin ang mas mababa mong kamay para suportahan ang kanyang ulo.
- Bakit? Isa pa itong opsyon kapag nagre-recover ka mula sa caesarean na panganganak, tinatawag din itong "snack-and-snooze" na posisyon.
Mga alternatibong posisyon
- Paano? Subukang hawakan ang iyong baby sa iba't ibang paraan habang nagpapasuso ka, at baguhin ito kung sa tingin mo ay makakatulong ito.
- Bakit? Nakakatulong ang pagpapalit ng posisyon para ma-drain ang mga daluyan ng gatas at maiiwasan nito ang pagsipsip ng iyong baby sa iisang bahagi lang ng iyong utong. Isa pa, nakakatulong ang pagpapalit ng posisyon kung nakakaranas ka ng paghapdi ng utong o kung may maliliit at matitigas kang bukol sa iyong dibdib dahil sa pagbabara ng gatas sa mga daluyan.
Mga Alalahanin at Karaniwang Hamon
Mahahapding utong
Muli, pagkalipas ng kaunting hapdi sa mga unang araw, hindi dapat masakit ang pagpapasuso. Ang pinakamagandang paraan para maiwasan ang paghapdi ng mga utong ay ang pagtulong sa iyong baby na mag-latch sa tamang paraan. Tandaan, puwede mong udyukan ang iyong baby na bumitaw at mag-latch ulit kung nakakaranas ka ng pananakit habang nagpapasuso, pero kung magpapatuloy ang sakit sa mga susunod na pagpapasuso, dapat kang makipag-ugnayan sa iyong doktor, komadrona, nars, o lactation consultant.
Pangangalaga sa utong
Narito ang mga paraan kung paano aalagaan ang sarili sa pagitan ng mga pagpapasuso para maipagkaloob mo sa iyong baby ang tamang pagpapasuso na kailangan niya:
-
Huwag kuskusin ang iyong mga utong: Ang paggamit ng sabon o panghilod ay puwedeng makasugat o makatuyo sa sensitibong balat na nasa utong.
-
Sa halip, magpahid ng gatas ng ina: Pagkatapos magpasuso, dahan-dahang pahiran ang iyong mga utong ng sarili mong gatas.
-
Patuyuin sa hangin ang iyong mga utong: Isuot lang ang iyong bra kapag tuyung-tuyo na ang iyong mga utong.
-
Piliin ang tamang bra: Pumili ng tamang support bra para maiwasan ang pamamaga ng iyong mga dibdib.
-
Iwasan ang mga underwire bra: Puwedeng magdulot ang mga ito ng pagbabara ng mga daluyan ng gatas.
-
Humingi ng tulong kapag nagbibitak/nagdurugo ang mga utong: Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga available na nipple cream.
Pagkatas o leaking
Bagama’t natural naman ito, lalo na sa mga unang buwan pagkatapos manganak, puwede mong itago ang pagkatas ng iyong mga dibdib sa pamamagitan ng pagsusuot ng nalalabhan o disposable na mga breast pad. May mas maganda bang balita? Malamang ay hindi mo na kailangan ang mga ito bandang ika-20 linggo, kung kailan dapat mawala na ang pagkakatas.
Pagbigat ng dibdib
Bandang ikatlong araw kung kailan mo mararamdamang parang mabigat ang iyong dibidib. Tumatagal ito nang humigit-kumulang 24 na oras, at natural lang din ito dahil nadagdagan na ang paggawa ng gatas, na palatandaan ding may gatas ka na.
Ang pagpapasuso sa iyong baby kapag gusto niya ay makakatulong sa iyong katawan na kontrolin ang paggawa nito ng gatas, at pagkalipas ng ilang buwan, kapag nakaangkop na ang iyong katawan, wala ka nang mararamdamang pagbigat ng dibdib. Sa pamamagitan ng madalas na pagpapasuso (tuwing gusto niya), nakakatulong ito sa mas tuluy-tuloy na supply ng gatas at mahalaga rin ito para maiwasan ang pamamaga o paulit-ulit na pamamaga ng dibdib.
Dahil maaaring magpatuloy ang pagbigat ng iyong dibdib (pasulpot-sulpot hanggang bandang ika-16 hanggang ika-20 linggo pagkatapos manganak), narito ang mga paraan kung paano mo ito maiibsan:
-
Subukang mag-shower ng maligamgam na tubig, o magpunas ng maligamgam na tuwalya bago magpasuso, kung nagkakaproblema ang iyong baby sa pag-latch dahil sa pagiging puno ng dibdib.
-
Mag-express (magkatas) ng kaunting gatas gamit ang kamay o breast pump, para hindi ganoong kabigat ang iyong dibdib bago magpasuso—magbasa pa tungkol sa pag-express ng gatas ng ina ngayon.
-
Hayaan ang iyong baby na sumuso hangga't gusto niya sa isa mong dibdib at i-express ang kabila mong suso gamit ang kamay kung hindi siya lilipat doon.
-
Maglagay ng cold compress o ice pack sa iyong mga dibdib pagkatapos magpasuso para maibsan ang pamamaga (10 minuto lang).
-
Gumamit ng malinis na dahon ng repolyo na galing sa refrigerator sa loob ng ilang minuto pagkatapos magpasuso (nakaginhawa ito sa ilan sa mga kababaihan).
-
Iwasan ang pagsusuot ng masisikip na bra o kahit mga bra na masyadong maluwag—makakatulong nang husto ang mga bra na eksakto ang sukat.
Pamamaga
Ang pagkakaroon mo ng gatas bandang ikatlo o ikaapat na araw ay maaari ding maging dahilan para mamaga ang iyong mga dibdib. Masakit o matigas ang mga ito, at hindi ito kumportable, pero natural lang ito at napakahalaga na magpatuloy ka sa pagpapasuso. Isa pa, puwede mong basahin ang parehong mga tip para sa mabigat na dibdib at tawagan ang iyong nars sa pampublikong kalusugan o lactation consultant para sa payo. Ang mga agarang interbensyon ang pinakamainam na paraan para maibsan ang sakit at para matiyak na sapat ang nakukuhang gatas ng iyong baby.
Mga baradong daluyan
Kung may mapapansin kang bukol sa iyong dibdib na masakit kapag hinahawakan, o kahit puting butlig sa utong (may ganito minsan)—mayroon kang baradong daluyan kung saan hindi sapat na na-drain ang iyong gatas, kaya naiipon ang gatas at namamaga ang mga laman sa paligid. Bago ka gumawa ng anuman, makipag-usap sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan kung sa tingin mo ay may barado kang daluyan para maiwasan itong maging mastitis.
Para maiwasan ang paglala ng baradong daluyan:
- Mas dalasan ang pagpapasuso sa iyong baby, simula sa dibdib na may baradong daluyan.
- Dahan-dahang masahihin ang iyong dibdib at pagtuunan ang bahagi sa likod ng bukol, habang nasa kalagitnaan ng pagpapasuso at sa kabuuan ng araw para makatulong sa pagdaloy ng gatas.
- Tingnan ang pag-latch ng iyong baby.
- Iwasang magsuot ng bra hangga't maaari.
- Mag-shower ng maligamgam na tubig at gumamit ng mainit na bote ng tubig sa apektadong dibdib para makatulong sa pag-drain.
Mastitis
Ang mastitis ay masakit at matigas na pamamaga at pamumula ng bahagi ng isang dibdib. Puwede kang magkaroon nito sa unang 2-3 linggo at maaaring kasama sa iyong mga sintomas ang lagnat at masamang pakiramdam. Magpatuloy sa pagpapasuso nang madalas at magpahinga nang sapat. Ang pinakamabisang paraan sa pag-iwas sa mastitis? Madalas na pagpapasuso at tamang pag-latch. Siyempre, makipag-ugnayan sa iyong doktor o nars sa pampublikong kalusugan kung mayroon kang anumang sintomas.
Thrush
Medyo medikal tayo ngayon. Ang thrush, o oral candidiasis [kan-di-dahy-uh-seez], ay isang yeast infection na may kinalaman sa pagpapasuso. Nakakaapekto ito sa iyo at sa baby mo, kaya kung sa tingin mo ay may thrush ka, dapat kang kumonsulta agad sa doktor. Ganito mo ito malalaman:
-
Mga sintomas mo: Mahahapding utong, at pananakit habang nagpapasuso o pagkatapos magpasuso.
-
Mga sintomas ng baby: Puting patse na parang cottage cheese sa dila at sa loob na bahagi ng bibig, at mapupulang tulduk-tuldok na diaper rash.
Hugasan nang madalas ang iyong mga kamay at i-sterilize ang kahit na anong dumidikit sa iyong mga dibdib o sa bibig ng iyong baby—napakahalaga ng pagiging malinis para maiwasan ang thrush. Dahil dito, tiyaking itapon ang anumang tsupon o pacifier kapag nagkaroon ka ng thrush.
Huwag magdalawang-isip: Humingi ng tulong nang maagap at madalas
Mahihirapan kang humanap ng mommy na walang naging problema sa pagpapasuso, kaya huwag mahihiyang humingi ng suporta kung nahihirapan ka—lalo na at madali namang pamahalaan ang karamihan sa mga iyon!
Kung mas maaga kang hihingi ng tulong, mas magiging matiyaga ka sa pagpapasuso. (Hindi ka magsisising ginawa mo iyon!)
Tandaan, para sa higit pang gabay, anumang oras ay puwede mong gawin ang mga sumusunod:
-
Magtanong sa iyong doktor, komadrona, o lactation consultant.
-
Magpunta sa breastfeeding clinic (kung ipinanganak ang iyong baby sa ospital).
-
Tawagan ang iyong lokal na departamento sa kalusugan at makipag-usap sa isang nars sa pampublikong kalusugan.
-
Makipag-usap sa isang grupo ng suporta para sa pagpapasuso.
-
Makipag-usap sa isang sertipikadong post-partum support doula (hindi sakop ng pamahalaan ng Canada ang ganitong serbisyo, pero tingnan kung may supplemental coverage ang kumpanya ng iyong insurance sa kalusugan).
Mga Paalala sa Routine ng Pagpapasuso
-
Walang pananakit: Kung masakit pa rin ang pagpapasuso pagkatapos ng mga unang pagpapasuso, posibleng naka-latch ang baby sa iyong utong, imbis na sa iyong dibdib.
-
Ang tamang latch: Kapag naka-latch na ang iyong baby at lumalabas na ang gatas, makakakita ka ng mga kapansin-pansing paggalaw ng panga at makakarinig ka ng mahihinang tunog ng paglunok mula sa iyong baby.
-
Baguhin ang latch at posisyon: Kung sa tingin mo ay mali ang latch ng iyong baby, alisin ang latch ayon sa inilarawan sa itaas at baguhin ang iyong posisyon.
-
Mahalaga ang timing: Maghihinay-hinay na ang iyong baby kapag nabubusog na siya. Perfect! Magandang timing ito para alisin ang iyong baby sa unang dibdib, padighayin siya, at pagkatapos ay ilipat siya sa kabila mong dibdib.
Haay! Bagama't mukhang ang daming dapat gawin kapag nagpapasuso, sa tulong ng kalikasan, sa kalmado mong diskarte, sa mga impormasyon sa itaas, at sa iyong determinasyon, handa ka nang pagtagumpayan ito.